Malapit nang maging ganap.
Malapit nang maging batas ang Go Negosyo Act matapos itong makalusot sa bicameral conference committee.
Nagkasundo sina Senador Bam Aquino, chairman ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, at Las Pinas Rep. Mark Villar na sundin ang Senate version ng Go Negosyo Act na iniakda ni Aquino.
Sa huling araw ng sesyon, niratipikahan ng Senado ang bicameral conference committee report sa Go Negosyo Act. Pagkatapos, ito’y ipadadala sa Malacanang para sa pirma ni Pangulong Aquino upang maging ganap na batas.
“Hindi maibabalik ng anumang salita ang tiwala ng taumbayan sa Senado,” wika ni Aquino “Ngunit kung makikita ng taumbayan na kami’y nagtatrabaho para sa kanila sa kabila ng mga eskandalo, maaaring makuha uli natin ang tiwala nila.”
"Sa napipintong pagsasabatas ng Go Negosyo Act, mapapalakas ang ating maliliit na negosyante – ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na mauuwi sa bagong trabaho sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” paliwanag ng senador.
Iginiit ni Aquino ang kahalagahan ng Go Negosyo Act, sa pagsasabing 66 porsiyento ng trabaho at 99 porsiyento ng negosyo sa bansa ay pawang galing sa MSME sector.
“Sa pamamagitan ng Go Negosyo Act, mabibigyan ang mga Pilipino – mula sa simpleng maybahay hanggang sa ordinaryong empleyado – ng pagkakataon para magtatag ng sariling negosyo para matustusan ang kanilang pangangailangan at ang kanilang mga pamilya,” ani Aquino.
Itinatakda ng Go Negosyo Act ang paglikha ng Pinoy Negosyo Centers, sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), sa bawat siyudad at munisipyo sa buong bansa.
Sa mga Pinoy Negosyo Centers na ito, mas mapapadali ang pagpaparehistro at pagsisimula ng negosyo ng isang entrepreneur, maliban pa sa pagbibigay daan para makakuha ng puhunan.
Magbibigay din ang Pinoy Negosyo Centers ng kurso at programa, training at payo ukol sa mga ideya ng mga negosyo na maaaring simulan, financing, management, marketing at iba pang uri ng suporta.